Ipinahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na frustrated si Senate President Pro Tempore Ping Lacson dahil sa mga puna ng ilang senador hinggil sa kanyang pamumuno sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Sotto, nababahala si Lacson dahil tila hindi siya makuntento sa mga reaksyon ng kapwa senador—kapag nagpapatuloy siya ng pagdinig, may umaangal, at kapag itinigil naman, may bumabatikos din.

Matatandaang inanunsyo ni Lacson ang kanyang pagbibitiw bilang chairperson ng Blue Ribbon Committee matapos ang umano’y pagkadismaya ng ilang kasamahan sa Senado sa paraan ng kanyang paghawak ng imbestigasyon. Wala pa namang natatanggap na pormal na liham ng pagbibitiw si Sotto.

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na umaasa siyang hindi itutuloy ni Lacson ang kanyang pagbibitiw dahil malaki umano ang naitulong ng senador sa mga imbestigasyon ng komite.

Tinatayang tatlo hanggang apat na senador ang posibleng humalili sakaling tuluyang bumaba si Lacson sa puwesto bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee.

-- ADVERTISEMENT --