Iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pagsasagawa ng multiagency investigation sa umano’y reclamation activities sa bahagi ng Laguna Lake sa Taguig.

Ayon kay Lacson, dapat magtulungan ang Philippine Reclamation Authority, Laguna Lake Development Authority, DENR, Land Registration Authority, Office of the Ombudsman at DPWH upang matugunan ang umano’y patuloy na pagtatambak ng basura at lupa sa lugar.

Sinabi ni Lacson na nasa 170 ektarya umano ng Laguna Lake sa bahagi ng Taguig ang napupuno ng basura. Patuloy rin aniya siyang mangangalap ng ebidensya kaugnay ng naturang aktibidad.

Samantala, itinanggi ng Taguig government na pagmamay-ari o ginagamit ng lungsod ang lugar na ipinakita sa video ni Lacson.

Ayon sa lokal na pamahalaan, pribadong indibidwal at isang homeowners association ang umaangkin sa lupang tinukoy, at walang inilabas na permit o awtorisasyon ang lungsod para sa sinumang umano’y pribadong may-ari.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng Taguig na suportado nito ang imbestigasyon, ngunit dapat anila ay nakabatay sa mga beripikadong ebidensya ang anumang alegasyon at hindi sa “misleading narratives” o walang sapat na batayan na pahayag.