Ikinabit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pangalan ni Senator Rodante Marcoleta sa umano’y ₱500 milyong halaga ng allocable funds para sa mga proyektong imprastraktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, batay sa ebidensyang kanilang nakuha, ang naturang halaga ay nai-allocate umano ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral para sa mga proyekto na may kaugnayan kay Marcoleta.

Sinabi ni Lacson na bahagi ito ng mga dokumentong isusumite ng komite sa Office of the Ombudsman kaugnay ng kanilang imbestigasyon sa umano’y malawakang flood control fund anomalies.

Ayon pa sa senador, may sulat-kamay umano si Cabral na nagsasaad ng pag-allocate ng ₱500 milyon na halaga ng proyekto batay sa mga kahilingan para sa allocables.

Nilinaw din ni Lacson na ang allocable funds ay bahagi ng discretionary funds ng DPWH na inilalaan sa mga distrito at maaaring pagpilian ng mga mambabatas mula sa listahan ng mga proyekto ng district engineers. Giit niya, hindi umano ito ilegal ngunit maaari umanong ituring na hindi angkop.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang pagdinig ng Senado sa isyu ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo para sa mga infrastructure projects.