
Umabot sa personalan ang palitan ng pahayag nina Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson at Senator Imee Marcos kaugnay ng umano’y pagkakaroon ng pork barrel o “allocable” funds sa 2026 national budget.
Sa Kapihan sa Senado nitong Miyerkules, mariing itinanggi ni Lacson ang umano’y mga patutsada laban sa kanya, kabilang ang umano’y insinuasyon tungkol sa kanyang seksuwalidad at pisikal na anyo.
Ayon kay Lacson, maaaring inakala ni Marcos na peluka ang kanyang buhok o kaya’y may patama umano na siya ay bakla—na kapwa niya pinasinungalingan.
Dagdag pa niya, wala rin umanong katotohanan ang paratang na siya ay bakla, bagama’t iginiit niyang wala siyang anumang laban sa mga homoseksuwal.
Nilinaw naman ni Marcos na hindi niya kailanman sinabi na bakla si Lacson. Aniya, walang masama sa pagiging bakla o sa pagpapagawa o pag-eenhance ng katawan, dahil personal na desisyon ito ng isang tao.
Ang personal na bangayan ay nag-ugat sa alegasyon ni Lacson na may P2.5 bilyong “allocable” funds umano si Marcos sa ilalim ng 2026 national budget, batay sa mga rekord ng yumaong DPWH Undersecretary na si Maria Catalina Cabral.
Ang naturang mga pondo ay umano’y nakabaon sa budget ng Department of Public Works and Highways bilang mga entitlement ng ilang mambabatas at personalidad.
Mariing itinanggi ni Marcos ang paratang at tinawag ang 2026 General Appropriations Act (GAA)—na nilagdaan ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.—bilang isang “political budget” sa halip na developmental.
Inakusahan din niya ang administrasyon na hinahati umano ang badyet upang bigyang-daan ang posibleng paghahain ng panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Nagpalitan din ng akusasyon ang dalawang senador hinggil sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y flood control scam.
Ayon kay Marcos, pinigilan umano ni Lacson ang pagbanggit ng ilang personalidad, kabilang ang dating Speaker na si Martin Romualdez.
Itinanggi ito ni Lacson at hinimok si Marcos na dumalo sa mga pagdinig ng komite na kanyang pinamumunuan.
Inanyayahan ni Lacson si Marcos na dumalo sa susunod na hearing sa Enero 19 at binigyan ito ng isang oras upang ilahad ang kanyang ebidensya na agad namang tinanggihan ni Marcos.










