Maghahain si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ng panukalang batas na layong bigyan ng mas matibay na kapangyarihan ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga tiwaling pulis at mga tauhang nasasangkot sa kriminal na gawain.

Ito ay kasunod ng sunod-sunod na insidente ng krimen sa bansa na kinasangkutan ng ilang miyembro ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.

Ayon kay Lacson, isusulong niya ang pagbibigay ng mas “may ngipin” na kapangyarihan sa Internal Affairs Service (IAS) ng PNP, kabilang ang pagpapalakas ng awtoridad nito at ang pagiging mas independent sa loob ng organisasyon.

Dagdag pa ng senador, mahalagang magsilbing mabuting halimbawa ang pamunuan ng PNP pagdating sa disiplina at integridad.

Aniya, kung ang Chief PNP ay hindi nangingikil o nasasangkot sa anumang uri ng krimen, mayroon itong moral authority na sawayin at disiplinahin ang kanyang mga tauhan.

-- ADVERTISEMENT --

Tiwala rin si Lacson na makikipagtulungan si acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kay Interior Secretary Jonvic Remulla upang disiplinahin ang mga pulis na tinatawag niyang “ICU” o inept, corrupt, at undisciplined na mga tauhan ng PNP.