
Pormal nang magbibitiw si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson bilang Senate Blue Ribbon Committee Chairman na siyang tumatalakasy sa mga maanomalyang flood scontrol projects sa bansa.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Lacson na ang kaniyang desisyon ay base na rin sa kaniyang mga naririnig na komento mula sa kaniyang mga kasamahan sa senado at pagaalin-langan din ng mga ito sa kaniyang pamumuno sa komite.
Aniya, dahil lahat ng mga tagapamahala ng mga komite ay inihalal ng kanilang mga kasamahan, maglilingkod aniya si Lacson batay sa kagustuhan ng kaniyang kapwa senador.
Kapag aniya marami na ang nagpahayag ng pagkadismaya sa kung paano niya pangasiwaan ang komite, ani Lacson, ito na ang oras para magbitiw na at ibigay sa ibang miyembro ng senado na sa tingin nila ay kayang hawakan ang pagdinig ng mas maayos.
Giit pa niya, walang anumang mga kritisismo mula sa mga netizens at maging mula sa partisan sectors ang maaaring makagambala o makaipit sa kaniya na gawin ang kaniyang trabaho bilang chairperson ng komite, ngunit kung sarili niyang mga kasamahan ang nagumpisa nang magsalita sa kaniyang pamamalakad, mainam na aniyang umalis na lamang.
Samantala, sa kabila naman ng mga pahayag na ito, nanindigan si Lacson na hindi rito natatapos ang kaniyang trabaho na labanan ang katiwalian at korapsyon mula sa bulok na sistema at pangaabuso sa pondo ng taongbayan.