Nasawi ang isang lalaki matapos siyang tumakbo sa runway ng Milan Bergamo Airport sa Italy at mahigop ng makina ng isang eroplano na nakahanda nang lumipad, nitong Hulyo 10, 2025.

Kinilala ang biktima bilang si Andrea Russo, 35-anyos.

Batay sa imbestigasyon, lumilitaw na hindi pasahero at hindi rin empleyado ng paliparan si Russo.

Dumating siya sa lugar sakay ng pribadong sasakyan at sa hindi pa tiyak na dahilan ay nakalusot sa security checkpoint at dumaan sa emergency exit patungo sa runway.

Tinangka siyang habulin ng mga awtoridad, ngunit hindi na naagapan ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Giovanni Sanga ng Milan Bergamo Airport, kahit pa mabilis ang naging tugon ng mga pulis, nakarating pa rin si Russo sa bahagi ng taxiway kung saan naroon ang eroplano na may nakabukas na makina—dito siya nasawi.

Dahil sa insidente, pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng paliparan ng halos dalawang oras.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo ni Russo. Lumalabas sa paunang ulat na dati siyang nalulong sa ilegal na droga ngunit sumailalim na sa rehabilitation program.

Wala ring natagpuang anumang pahiwatig sa loob ng kanyang kotse na maaaring magpaliwanag sa kanyang naging hakbang.