Natagpuan na ang kalansay ng lalake na nawawala matapos malunod simula pa noong nakaraang taon at nahukay ng isang backhoe operator na nag ooperate sa isang quarry site sa Brgy. Dodan, Peñablanca na tabi lamang ng Pinacanauan river.
Kinilala ni PMAJ Harold Ocfemia chief of police ng PNP Penablanca ang biktima na si Alyas Jay Jay.
Una rito ay nakatanggap ng tawag ang kapulisan mula sa isang barangay captain ng nasabing lugar kaugnay sa pagkakadiskubre sa isang kalansay ng tao kung kaya’t agad naman na nagtungo ang mga ito upang imbestigahan ang pangyayari.
Ayon kay Ocfemia, nasa kalagitnaan ng paghuhukay ang isang backhoe operator nang makita niya ang isang bungo ng tao at sumunod naman ang iba pang bahagi ng kalansay nito.
Lumalabas sa imbestigasyon na may nangyari umanong insidente ng pagkalunod sa Brgy. Minanga, Peñablanca, Cagayan kung saan hindi natagpuan ang katawan ng biktima hanggang sa kasalukuyan.
Agad namang ipinagbigay alam sa pamilya ng biktima ng pagkalunod ang natagpuang kalansay kung saan kinumpirma ng asawa ng biktima na ito nga ang kanyang nawawalang asawa dahil sa suot na underwear nito at pagkakalagay ng ngipin.
Maalala na kasama ng biktima ang kanyang anak na nalunod kung saan mangingisda sana ang mga ito at nang patawid na sana ang mag ama pabalik ay hindi nila kinaya dahil sa lakas ng alon ng ilog habang ilang araw rin ang nakalipas bago natagpuan ang bangkay ng bata.
Agad naman dinala sa funeral service ang kalansay at ibinigay sa pamilya nito upang mabigyan ng maayos na libing habang wala namang nakikitang foul play sa nasabing insidente.