Arestado ang isang lalaki matapos saksakin ang isang alagang baka sa Barangay Palca, Tuao, Cagayan.

Ayon kay PSSG Junjun Noveno ng Tuao Police Station, natanggap nila ang ulat mula sa isang pulis ng bayan tungkol sa kaguluhan sa lugar.

Pagdating ng mga rumespondeng tauhan, tumambad sa kanila ang baka na may malalaking sugat sa ulo at kaliwang binti.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na galing sa inuman ang suspek na si Agustin Bolos.

Habang pauwi, nakita umano ng kaniyang ina na nagalit ito sa nakatali nilang baka dahil natapilok ito sa tali.

-- ADVERTISEMENT --

Umuwi ang suspek, kumuha ng itak, at dalawang beses sinaksak ang hayop na pagmamay-ari ng kanilang kapitbahay na si Leonard Manera.

Matapos ang insidente, nagtago si Bolos sa kanilang bahay at tumanggi umanong buksan ang pinto sa mga pulis.

Humingi pa ng tulong ang mga awtoridad sa barangay upang makumbinsi siyang lumabas.

Ayon sa pulisya, may mga nauna nang reklamo ang ilang residente laban sa suspek dahil sa umano’y pagwawala nito kapag nalalasing.

Dahil dito, humiling ang pamilya ng nagreklamo ng protection order laban kay Bolos upang maiwasan ang pag-ulit ng insidente.

Sinampahan na ang suspek ng paglabag sa Republic Act 10631 o Animal Welfare Act of 2013 dahil sa pananakit sa alagang hayop.