Naaresto na ang isang magsasaka na Top 8 Most Wanted Person sa Regional Level matapos ang halos isang taong pagtatago sa batas dahil sa kasong panggagahasa sa 13-anyos na anak sa Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si Diego Damias, 35-anyos at residente sa bayan ng Quezon, Nueva Vizcaya.

Sa datos ng Quezon Police Station, nagsimula ang panggagahasa ng ama sa kanyang babaeng anak noong April 2020, subalit dahil sa takot at pagbabanta ay hindi kaagad nakapagsumbong ang biktima.

Muli namang naulit ang panggagahasa tuwing umaalis ang asawa ng suspek dahil sa kanyang trabaho at noong Hunyo 2020 ay nagsumbong na ang bata sa kanyang ina, dahilan upang dumulog na ang mga ito sa pulisya.

Naaresto ang suspek sa manhunt operation sa Tinoc, Ifugao sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act na may inilaang piyansa na P72,000 dahil sa pananakit nito sa kanyang asawa tuwing sila ay nag-aaway.

-- ADVERTISEMENT --

Wala namang inirekomendang piyansa para sa kasong tatlong counts ng Rape.