Nahaharap sa kasong Robbery Extortion ang lalaking nangikil sa isang negosyante matapos ang inilunsad na entrapment operation ng mga otoridad sa lungsod ng Tuguegarao.
Ayon kay PCAPT Ana Marie Anog, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao, ang lalaking suspek na 37 anyos at residente sa Brgy. Calamagui, Amulung ay matagal na nanilbihan sa negosyanteng biktima na edad 53, byuda at residente ng Brgy. Centro 3, Tuguegarao City.
Nang makuha aniya ng suspek ang tiwala ng negosyante ay dito na niya isinagawa ang pananakot at pangingikil sa biktima na hiningan niya ng hindi na mabatid na halaga ng pera.
Sinabi ni Anog na sobrang natakot ang biktima sa pagbabanta ng suspek kung kayat pumayag siya na ibigay ang halagang hinihingi nito sa tuwing siya ay kinikikilan.
Sa ikalawang beses na pangingikil ay hiningan nito ang biktima ng P200k ngunit dahil hindi kayang ibigay ay nakiusap ang biktima hanggang sa binabaan ito ng P25k.
Kaugnay nito ay naglakas loob na rin ang biktima na magsumbong sa pulisya kayat mabilis silang nagplano para sa entrapment operation.
Batay sa imbestigasyon ay lumalabas na ginamit ng suspek na panakot sa biktima ang pagpapakalat sa mga larawan at video na may nangyayari sa kanilang dalawa nang makuha ng suspek ang mga ito sa mismong cellphone ng biktma.
Nang magkasa ng operation ang mga otoridad ay tinanggap mismo ng suspek ang P25k na ginamit na pain sa kanya at ito ay kinabibilangan ng isang genuine P1k at 24k na boodle money.
Sinabi ni Anog na batay sa depensa ng suspek ay may namamagitan sa kanilang dalawa ng biktima.