Inakusahan ang isang 20 anyos na lalaki na tumakas kasama ang 40 anyos na dapat sana ay kanyang magiging mother in law, siyam na araw na lamang bago ang kanyang kasal.
Nakatakda na ang kasal nina Rahul at Shivani mula sa estado ng Uttar Pradesh sa India noong April 16.
Naipadala na lahat ng invitations, at marami na rin sa mga kamag-anak ang nagkumpirma na sila ay dadalo, subalit siyam na araw na lamang bago ang kasal, nangyari ang hindi inaasahan.
Biglang nawala ang groom, subalit hindi siya umalis na nag-iisa dahil kasama niya si Anita, ang 40 anyos na ina ng bride-to-be.
Tinangay pa ng dalawa ang lahat ng kanilang ipon at maging ang savings ng pamilya ni Anita, at walang naiwan kay Shivani at kanyang ama.
Noong April 6, nagpaalam si Rahul para bumili daw ng mga damit para sa kasal.
Kasunod nito, tinawagan niya ang kanyang ama at sinabing huwag na siyang hanapin.
Sa nasabi ring oras, napansin ni Shivani na wala ang kanyang ina at kanilang savings.
Bagamat napapansin ng mag-ama ang kakaibang relasyon ni Rahul at Anita, binalewala lamang nila ito dahil ayaw nilang masira ang nakatakdang kasal.
Sinabi ng ama ni Shivani na hindi sinasagot ng kanyang asawa ang kanyang mga tawag, habang itinatanggi naman ni Rahul na sila ay magkasama.