Photo credit: PNP-Sto Tomas

TUGUEGARAO CITY-Nasa kustodiya na ng PNP-Sto Tomas sa probinsya ng Isabela ang isang lalaki matapos makuhanan ng baril, granada at mga bala sa loob ng kanyang tahanan.

Ayon kay PMajor Feliz Mendoza, hepe ng PNP- Sto Tomas, isinilbi ang search warrant laban sa suspek na si Billy Rey Buraga, ahente ng tubo at mekaniko kung saan nakuha sa loob ng kanyang bahay ang isang calibre 38 na baril, granada at mga bala.

Sinabi ni Mendoza na bago nito, may mga natatanggap na silang mga impormasyon at reklamo na laging nagpapaputok ng baril ang suspek lalo na kung nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin kung kaya’t isinagawa ang paghalughog.

Wala namang naipakitang legal na dokumento ang suspek sa mga nakuhang gamit na ngayon ay nasa pag-iingat na ng kapulisan.

Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10951 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

-- ADVERTISEMENT --