TUGUEGARAO CITY-Hawak na ng mga otoridad ang isang manggagawa matapos tangkaing ibenta ang ninakaw na tricycle sa bayan ng Sta Teresita, Cagayan.

Ayon kay Police Staff Sergeant James Reculizado ng Pnp-Sta Teresita,Hunyo 7 ng taong kasalukuyang nang tangayin ng suspek na si Arnel Valera ang tricycle ng biktima na si Jaime Delgado, 44-anyos na noon ay nakaparada lang sa tapat ng kanilang bahay sa Brgy Simpatuyo.

Ngunit, nitong Hunyo 11 nang ipagbigay alam ng isang kaibigan ng biktima na mayroon siyang nakitang sidecar ng tricycle na kahalintulad ng sakanya sa isang talyer sa Brgy Minanga , Aparri.

Tinungo naman ng biktima ang sinabi ng kaibigan at kanyang kinumpirma na sakanya umano ang naturang sidecar.

Sinabi naman ng may-ari ng talyer na ibinenta lamang sakanya ni Valera ang side car na dahilan nang pagkahuli ng suspek na noon ay nasa bayan na ng Lasam kung saan ito nagtatrabaho.

-- ADVERTISEMENT --

Tinangka rin umanong ibenta ng suspek ang motorsiklo sa halagang P15,000 sa isang buyer ngunit naunahan ito ng kapulisan na huliin.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP-Sta Teresita ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong carnapping.