TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa ng imbestigasyon ang PNP sa bayan ng Lallo, Cagayan kaugnay sa nangyaring pagkakabaril-patay sa isang lalaki na mula sa lalawigan ng Abra sa isang resto bar sa Magapit kagabi.
Sinabi ni PMaj. Jefferson Mucay, hepe ng PNP Lallo na may persons of interest na sila sa isang grupo na nakaalitan ng grupo ng biktima na si Jefferson Tureser, 29 anyos habang nag-iinuman sa resto bar.
Batay sa kanilang paunang imbestigasyon, galing umano ng Abra ang biktima at bumisita sa kanyang mga kamag-anak sa Cullit, Gattaran at napagpasiyahan ng mga ito na mamasyal sa isang resto bar sa Magapit.
Habang nagkakatuwaan at sayawan ang mga customer ng resto bar, nagkaroon umano ng komosyon sa pagitan ng isang grupo ng mga kalalakihan at sa mga kasama ng biktima habang sila ay nagsasayaw.
Lumapit umano ang biktima sa kanyang mga kasamahan kung saan ay nakita umano ng mga saksi na mayroon siyang dalang baril kung saan ay nagpambuno ang dalawang grupo hanggang sa may pumutok na baril at bumulagta ang biktima.
Nagtakbuhan umano ang mga nakaaway ng grupo ng biktima pagkatapos ng pangyayari.
Sinabi ni Mucay na nakita sa crime scene ang dalawang basyo ng kalibre 9mm at isang baril at isa pang baril sa labas ng bakod na nasira matapos na dito umano tumakbo ang isa sa mga kasama ng mga suspect.
Ayon sa kanya, ibinigay na nila sa SOCO ang dalawang baril at basyo para sa ballistic at cross matching.
Kasabay nito, sinabi ni Mucay na wala siyang alam sa sinasabing may kinalaman si Mayor Mateo Nolasco ng Gattaran sa nasabing pamamaril.
Ayon sa kanya, agad siyang pumunta sa ospital kung saan dinala ang biktima matapos na hindi nila ito madatnan sa crime scene kung saan ay nadatnan niya si ang COP ng PNP Gattaran at si Mayor Nolasco.
Sinabi niya na ang mga nurse ang tumawag kay COP at kay Mayor Nolasco.