Nadakip ng mga operatiba ng Cyber Response Unit ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang lalaki na nagbanta online na pasasabugin ang kanilang tanggapan sa Camp Crame.

Ayon kay ACG acting Director PBGen. Bernard Yang, nahuli ang suspek na si alyas “Harvey” sa Batangas City noong September 10 matapos maglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court ng Batangas.

Inihain ang reklamo laban sa suspek ng social media handler ng opisyal na Facebook page ng ACG matapos itong makatanggap ng sunod-sunod na pagbabanta at pagmumura mula sa kanya sa pamamagitan ng comments at messenger.

Batay sa imbestigasyon, tatlong dummy accounts ang ginamit ng suspek.

Sa kabila nito, natunton ng pinagsanib na pwersa ng Cyber Patrolling and Intelligence Unit at Cyber Response Unit ang kanyang tunay na account at personal information.

-- ADVERTISEMENT --

Aminado ang suspek na ginawa niya ang pagbabanta upang makakuha lamang ng atensiyon at inamin na mali ang kanyang ginawa.

Nahaharap ang suspek sa tatlong bilang ng kasong grave threats sa ilalim ng Revised Penal Code, in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012.