
Nagpapagaling na ang isang fruit shop owner sa Sydney na nakipagpambuno para makuha ang baril mula sa gunman sa nangyaring mass shooting sa Bondi Beach, Sydney-Australia matapos na sumailalim sa surgery sa tinamong tama ng baril sa kanyang braso at kamay, ayon sa kanyang pamilya.
Si Ahmed al Ahmed, 43 anyos ay kinilala sa social media na ang bystander na nagtago sa likod ng mga nakaparada na mga sasakyan bago nakipagpambuno sa gunman, kung saan nakuha niya ang rifle at natumba ang lalaki.
Sinabi ng pamilya ni Ahmed na tiniyak sa kanila ng mga doktor na nasa ligtas na kundisyon ang kanilang kaanak matapos ang kanyang surgery.
Itinuring si Ahmed ng kanyang pamilya na isang bayani dahil sa ipinakita niyang katapangan at nagawang mapigilan ang patuloy na pamamaril ng suspek.
Kaugnay nito, tinawag ni US President Donald Trump si Ahmed na napakatapang na nagligtas ng maraming buhay.
Tinawag naman siyang tunay na bayani ni Chris Minns, premier ng New South Wales kung saan matatagpuan ang Sydney, at sinabi niya na hindi siya makapaniwala sa napanood niyang video ni Ahmed.
May isinagawa ding GoFundMe campaign para kay Ahmed kung saan sa loob ng ilang oras ay nakakolekta na ng mahigit A$200,000.
Ang nagbigay ng pinakamalaki ay si Bill Hackman, isang bilyonaryo na hedge fund manager na nagbigay ng A$99,999.










