Natagpuan na ang katawan ng isang lalaki na nalunod sa bahagi ng ilog sa bayan ng Anquiray, Amulung noong December 30, 2024.
Sinabi ni PCAPT Marjorie Pagulayan ng PNP Alcala, nakita na palutang-lutang sa ilog sa Barangay Maraburab sa nasabing bayan kahapon ng tanghali ang lalaki na si Alex Villanueva.
Ayon kay Pagulayan, agad na ipaalam sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Amulung ang natagpuang bangkay, na kinumpirma naman na ito ang nalunod sa Brgy. Anquiray.
Sinabi ni Pagulayan na ipinasakamay ang mga labi ng biktima sa kanyang kapatid na si Quirino.
Una rito, galing sa isang lamay sa Brgy. Centro, Amulung si Villanueva at nang pauwi na na siya kasama ang iba pa ay naghintay sila ng masasakyan na bangka para makatawid sa kabilang barangay dahil sa mataas na antas ng ilog.
Subalit nagpumilit umano ang biktima na maglakad na lamang sa steel bridge na sa panahong iyon ay hindi madaanan dahil sa umapaw ang ilog sa tulay.
Malapit na umano siya sa kabilang pampang nang madulas siya at tinangay ng malakas na agos ng tubig.