Patuloy ang ginagawang search and retrieval operation sa lalaki na nalunod sa ilog sa may bahagi Cataggaman Viejo, Tuguegarao City.
Kinilala ni Ian Valdepeñas ng City Disaster Risk Reduction Manegement Office ng Tuguegarao ang lalaki na si Edmar Baccud, 40 anyos, residente ng Andarayan, Solana, Cagayan.
Sinabi ni Valdepeñas na batay sa salaysaya ng isa sa kanilang nakausap sa lugar ay pumunta sa pampang ng ilog sa may bahagi ng Enrile ang lalaki kasama ang ilang kaanak, kung saan sumakay sila sa dalawang bangka para isagawa ang pamahiin na pagligo sa ilog pagkatapos ng libing ng kanilang mahalsa buhay.
Ayon kay Valdepeñas, habang hinihila ng isang bangka na may motor ang isa pang bangka na walang motor kung saan sakay ang lalaki ay dito na umano siya nahulog.
Sinabi niya na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang lalaki.
Agad na itinawag ito sa rescuers ng Tuguegarao at agad na nagsagawa ng paghahanap sa nasabing ilog hanggang halos 7:00 kagabi, subalit bigo sila na mahanap ang katawan ng biktima.
Ipinagpatuloy ang paghahanap kaninang umaga kasama ang Philippine Coast Guard, subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa nahahanap ang katawan ng lalaki.