Pinatunayan ng Municipal Police Station ng Sta. Teresita, Cagayan na epektibo ang 5-Minute Response Strategy ng Philippine National Police.
Ito ay matapos ang mabilis na pagresponde ng Intelligence Section sa tawag sa kanilang himpilan tungkol sa isang lalaki na nanggugulo at may hawak na baril at bolo sa Barangay Luga.
Pagdating ng mga awtoridad sa lugar, inabutan nila si alyas “Bong,”, subalit sa halip na baril at bolo ang nakuha sa kanya ay dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.
Nakumpiska rin mula kay Bong ang tooter, digital na timbangan, bolo na may habang 50 pulgada, isang cellphone, 15 na plastic sachet na walang laman, ilang cash, at sling bag, subalit hindi nakita ang sinasabing baril.
Sinampahan na ng kaso ang suspek sa paglabag sa Sections 11 and 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Matatandaan na inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Nicolas Torre III emergency response strategy na tutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan ng mas mabilis at gawing mas ligtas ang mga pamayanan.
Sinabi ni Torre na tawagan lamang ng publiko ang pulisya sa pamamagitan ng 911 emergency hotline, at tiniyak niya na agad na reresponde ang mga pulis sa loob ng limang minuto.
Target din ni Torre ang na maipatupad ang three-minute response sa loob ng tatlong buwan.
Ang inisyatiba ay bahagi ng mas malawak na stratehiya ng PNP para sa modernisasyon ng law enforcement at matiyak ang mabilis na presensiya ng mga pulis sa critical situations, pagpapabuti sa peace and order, at gawing mas ligtas ang mga lansangan sa lahat ng mamamayan.