Naaresto ang isang 30-anyos na lalaki na inakusahan ng panghahalay sa kanyang tatlong pamangkin at kapitbahay sa Maragusan, Davao de Oro.
Inaresto ng agents ng National Bureau of Investigation-Davao (NBI-11) ang akusado sa bisa ng warrent of arrest dahil sa kasong rape at statutory rape.
Ang akusado ay kabilang sa most wanted persons sa Region 11.
Ayon sa mga opisyal ng NBI, ginagawa umano ng akusado ang panghahalay sa tuwing gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot.
Sa imbestigasyon ng NBI, noong 2018 nang halayin umano ng lalaki ang isa sa kanyang mga pamangkin na noon ay 11 taong gulang.
Inabuso rin umano ng akusado ang dalawa pang mas batang kapatid ng unang biktima.
Binalaan umano ng akusado ang mga biktima na papatayin ang kanilang pamilya kung magsusumbong sila sa mga awtoridad.
Sinabi ng NBI na inamin ng akusado ang akusasyon laban sa kanya at inamin din na humitit siya ng marijuana nang ginawa niya ang krimen.
Naipasakamay na sa korte ang akusado at walang inirekomendang piyansa sa kanyang mga kaso.