Kinasuhan na ng estafa ang isang lalaking nahuli sa entrapment operation sa bayan ng Buguey dahil sa panloloko ng pera, kapalit ng gold bars sa dalawang lalaki mula Cauayan City, Isabela.

Natunton ang suspek na si Jomar Udani, 32-anyos ng Barangay San Vicente, Buguey matapos kunin sa remittance center ang P3,000 na umanoy ipinangalan lamang sa kanya ng kanyang kapatid na si Aldon Mariano ng Camiguin, Calayan, Cagayan.

Una rito, sinabi ni PSSGT Jeffrey Corpuz ng PNP-Buguey, na nakipag-ugnayan sa kanila ang biktimang sina Ricardo Ballesteros at Vic Agra kaugnay sa panloloko sa kanila ng suspek na si Mariano.

Sa salaysay ng dalawang biktima sa pulisya, mula October 9 ay natangayan na sila ng kabuuang P35,000 na kanilang ipinadala sa remittance center sa pangalan ni Mariano na kanyang inilalabas sa bayan ng Buguey.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, nagtaka ang mga biktima kung kaya dumulog na ang mga ito sa pulisya kung saan isinagawa ang entrapment operation kung saan ipinangalan kay Udani ang ipinadalang pera ng mga biktima na nagresulta sa kanyang pagkakahuli.

Sa kabuuan, P38,000 ang nakuhang pera ng aniyay magkapatid na suspek na gagamitin sana sa transportasyon ng gold bars sa coastal town ng Calayan papuntang mainland.

Nabatid na ipinakilala lamang ng kaibigan ng dalawang biktima si Mariano na kaagad nakuha ang tiwala kaugnay sa modus na gold bar ng suspek.

Desidido namang sampahan ng mga biktima ang nahuling suspek na pansamantalang nakalaya habang pinaghahanap pa ng pulisya si Mariano.