Ipinag-utos na ng Senado ang imbestigasyon sa pagkasawi ng isang lalaki sa ginagawang New Senate Building kagabi.
Sa inilabas na pahayag ni Senate Spokesperson Atty. Arnel Jose Bañas, agad na ipinaalam kay Senate President Chiz Escudero ang insidente.
Batay sa report, sinabi ng Philippine National Police-Southern Police District (PNP-SPD) na ang nahulog at namatay sa nasabing gusali ay isang 23 anyos at Philippine Navy applicant.
Sinabi ng SPD na batay sa mga witness, nakita ang lalaki na pumasok sa premised ng New Senate Building nang 7:00 p.m. kagabi at tumakbo siya patungo sa ikatlong palapag.
Agad na inalerto ng isang nakakita ang security guards subalit nabigo sila na makita ang lalaki.
Bandang 9:00 p.m., nakarinig ang witness at iba pang security guards ng malakas na kalabog.
Dito nakita ang katawan ng lalaki sa ground floor ng NSB.
Subalit, batay sa impormasyon na natanggap ng Senado, hinahabol umano ang lalaki ng hindi nakilalang kasamahan ng 9:00 kagabi.
Sinabi pa ng Senado na nahulog ang biktima sa north tower ng New Senate Building ng 10:00 p.m.
Nagsasagawa pa ang SPD ng assessment sa “technical aspects” ng kanilang imbestigasyon sa insidente