Tuguegarao City- Natagpuan ng mga otoridad ang bangkay ng isang lalaking nalunod sa Brgy. Calog, Abulug, Cagayan.

Kinilala ang nasawi na si Wilarde Udaundo, 42 anyos, walang asawa, laborer at residente sa naturang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMAJ Joefferson Gannaban, hepe ng PNP Abulug, umalis umano ang biktima sa kanilang bahay dahil sa hindi nila pagkakaunawaan ng kanyang tatay at nagtungo sa bahay ng kanyang tiyuhin na si Anastacio Cuadro.

Sa pagsisiyasat ng pulisya ay sumama umano si Udaundo sa kanyang tiyuhin upang mangisda at iniwan ito ni Cuadro upang bumili ng kanyang sigarilyo.

Pagkabalik nito ay wala na ang biktima na maaaring nawalan ng control sa pagtayo nito sa bangka na naging sanhi ng kanyang pagkahulog.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Gannaban na hindi marunong lumangoy ang biktima na naging dahilan ng kanyang pagkalunod.

Matatandaan na naiulat sa tanggapan ng PNP Abulug ang pagkawala ni Udaundo noong Enero 30 at natagpuan na lamang ang bangkay nito sa ilog umaga ng Pebrero 2, 2020.