Inaalam na ng pulisya kung may nangyaring foul play sa pagkamatay ng isang lalaki na natagpuan sa loob ng kwarto sa isang hotel sa bayan ng Sanchez Mira.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCMSGT Boy Turingan ng PNP-Sanchez Mira na nagcheck-in sa hotel ang hindi na pinangalanang biktima kasama ang isang babae pasado alas 3:00 ng hapon noong November 2, araw ng Sabado.

Makalipas ang isang oras, lumabas sa kwarto ang babae at pumunta sa front desk upang gawing overnight ang aniya’y binayarang short time na pamamalagi sa hotel.

Kinabukasan, nagtaka ang mga empleyado ng hotel kung bakit hindi lumabas ang dalawang customer gayong lagpas na ang check out time nila.

Pinuntahan ang kwarto at pwersahang binuksan dahil hindi sila sumasagot kahit na kinatok ng malakas at pinatay ang kanilang aircon.

-- ADVERTISEMENT --

Nang mabuksan ang kwarto, tumambad ang nanigas at malamig na katawan ng lalaki na hinihinalang 12-oras nang patay habang hindi rin nakita sa kwarto ang kasama niyang babae.

Agad humingi ng tulong ang mga tauhan ng hotel sa pulisya kung saan narekober sa bulsa ng biktima ang mga gamot para sa sakit sa puso at highblood na posibleng sinumpong sa kanyang sakit.

Sa ngayon, sinabi ni Turingan na iimbestigahan nila ang kopya ng CCTV sa hotel upang matukoy ang pagkakakilanlan ng babaeng kasama ng biktima na walang nakapansin sa kanyang pag-alis.