
Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin at tagain sa Velasquez sa Tondo, Maynila.
Nakita naman ng isang pulis na napadaan sa lugar ang insidente at napatay niya ang isa sa mga hinahabol niyang suspek.
Sa kuha ng CCTV, maririnig ang isang putok ng baril.
Makaraan lamang ang ilang saglit, makikita na ang dalawang lalaki na sina alyas “Eugene” at “Edmund” na mistulang may pinagtutulungan.
Tiyempo namang isang pulis ang dumating at bumunot ng kaniyang service firearm.
Sa kuha pa ng CCTV, narinig ang dalawang magkasunod na putok ng baril.
Matapos nito, namataan ang pulis na nagtungo sa gilid bago bumalik sa kaniyang motorsiklo.
Tinamaan pala niya ang bandang tagiliran si alyas “Edmund.”
Ayon sa kuwento ng mga saksi sa barangay, nasaksihan ng pulis na isa sa mga suspek ang may hinahataw ng itak habang ang isa naman ay may hawak na baril.
Ang nakabaril na pulis pa mismo ang nagsugod sa pagamutan kay alyas Edmund ngunit hindi na siya umabot ng buhay.
Dead on arrival din ang biktimang si alyas “Marlon” na unang nabaril at nataga nina alyas “Edmund” at “Eugene.”
Nabawi naman sa crime scene ang itak na ginamit sa pananaga sa biktima.
Patuloy na hinahanap ang baril na ginamit ng dalawa.
Ayon pa sa barangay, nagkaroon ng alitan ang biktima at si alyas Eugene noong isang gabi, matapos akalain ng biktima na siya ang pinagtatawanan ng grupo ng suspek habang nag-aaway sila ng dati niyang kinakasama.
Noon namang madaling araw, nagkasalubong rin dalawa at nagtalo umano dahil naman sa unahan ng pila sa tricycle.
Pagdating ng gabi, dito na umano muling nagtagpo sina alyas “Marlon” at Eugene kasama ang kapatid nito na si alyas “Edmund,” na pinahihinalaan na bumaril sa biktima batay sa imbestigasyon ng pulisya.
Nasa kustodiya naman ng Homicide Section ng MPD ang nakasaksing pulis.
Sa kabila ng paggawa niya ng kaniyang tungkulin, posibleng maharap pa rin siya kasong homicide.










