Nakahandusay at wala nang buhay nang madatnan ang isang 32 anyos na lalaki na nahulog sa irigasyon matapos umanong makatulog habang nagmamaneho sa kanyang kolong-kolong sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Merlito Molina, may-asawa at residente ng Brgy. Progressive sa naturang bayan.
Ayon kay PCAPT Orlan Capili, deputy chief of police ng PNP Gonzaga, kasama ng kanyang 7-anyos na babaeng anak ay pauwi na ang mag-ama at binabagtas ang madilim na bahagi ng lansangan at walang kabahayan sa Brgy Santa Clara nang mangyari ang aksidente.
Galing ang mag-ama sa kanilang kamag-anak sa Brgy. Sta Clara at nakipag-inuman ang biktima kung saan nakatulog pa aniya ito subalit nang magising dakong alas 10:30 nang gabi ay nagyaya nang umuwi.
Dahil sa kalasingan at inaantok pa ay nakatulog si Merlito sa pagmamaneho kaya nawalan ito ng kontrol sa manibela na dahilan ng kanyang pagkahulog sa irrigation canal kung saan ito natagpuang nakadapa at nakasubsob ang mukha sa tubig na isa sa dahilan ng kanyang pagkasawi maliban sa kaunting galos na natamo.
Nabatid na kaunting galos din ang natamo ng anak ng biktima kung saan nakita ito ng isang tricycle driver habang naglalakad para humingi ng tulong.
Samantala, nasawi naman sa pagkalunod ang isang lolo matapos maligo sa dagat sa bahagi ng Brgy. Ammunitan, Gonzaga.
Kinilala ang biktima na si Weniefred Pangitan, 62 anyos, magsasaka at residente sa bayan ng Allacapan.
Sinabi ni Capili na kasama ng bitkima ang nasa humigit-kumulang na dalawampung kamag-anak na nag-picnic sa isang beach resort sa bahagi ng Brgy. Amunitan.
Pasado alas 3:00 ng hapon nang mapansin aniya ng kanyang kamag-anak ang palutang-lutang na katawan ng biktima sa dagat at wala nang buhay.
Hindi rin aniya alam ng mga kamag-anak na naligo ito sa dagat nang umalis sa inuman.