Patay ang isang lalaki matapos itong lumangoy nang walang suot na life jacket sa bahagi ng ilog sa Duba Cave na kilala bilang isa sa mga tourist attraction sa bayan ng Baggao.

Kinilala ang biktima na si Edmar Talon, 23-anyos at residente ng Brgy. Poblacion, Baggao.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Kagawad Beatriz Dimaya ng Brgy. San Miguel na nagtungo ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa Duba cave na matatagpuan sa Brgy San Miguel upang mag-picnic noong araw ng Sabado, March 6.

Ayon kay Dimaya, nag-iinuman ang grupo nang mapansing nawawala na ang biktima kung kayat tumawag ng tulong ang kasamahan nito, kung saan nakita ng rescuer na wala nang malay ang bitkima malapit sa lugar kung saan sila nagpicnic.

Ilang ulit din siyang nilapatan ng CPR o paunang lunas bago dinala sa pagamutan subalit hindi na naisalba.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Dimaya, hindi sila nagkulang sa paalala subalit may sadyang pasaway talaga at hindi sine-seryoso ang kanilang alituntunin.

Paliwanag pa niya na sa entrance pa lamang ay ipina-alala na sa grupo ang pagsusuot ng life vest kung lalangoy at ang pagbabawal sa pag-inom ng nakalalasing na inumin.

Posible umanong bunsod ng kalasingan ang dahilan ng pagkalunod ng biktima kung saan may sugat ito sa ulo na posibleng nauntog sa mga bato o kahoy sa ilog.

Matatandaan na binuksan na sa publiko ang naturang tourist spot subalit limitado lamang sa mga residente sa naturang bayan dahil sa pandemya.