TUGUEGARAO CITY-Wala ng buhay nang isugod sa pagamutan ang isang manggagawa matapos malunod sa quarry site sa bayan ng Pamplona.

Ayon kay Police Major Florentino Marallag, hepe ng PNP-Pamplona, hindi umano napansin ng mga kasamahan ng biktima na si Fri-Jay Miguel, 24-anyos ng Mallig ,Isabela na pumunta ito sa ilog habang sila’y nag-iinuman.

Aniya, nagtungo ang biktima kasama ang kanyang tatlong kasamahan sa bayan ng Pamplona para mamili ng mga aning mais.

Habang hinihintay umano ng grupo ang kanilang katransaksyon o ang pagbibilhan ng mais ay nagluto ang mga ito sa tabi ng ilog at nagkaroon ng inuman.

Nagtungo umano ang biktima sa ilog na hindi nagpapaalam at habang naliligo ay napunta ito sa malalim na bahagi ng ilog na sanhi ng kanyang pagkalunod.

-- ADVERTISEMENT --

Hinanap naman ng mga kasamahan nito ang biktima ng mapansing nawawala na ito ngunit huli na ang lahat dahil nakalutang na ito sa naturang ilog.

Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival ng umasikasong duktor.