Photo credit: PNP-Rizal, Kalinga

TUGUEGARAO CITY-Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang lalaki matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na elf sa bayan ng Rizal, Kalinga.

Ayon kay Police Captain George Acob, hepe ng PNP-Rizal, Kalinga, inutusan ang biktima na si Roy Sandobal, 57-anyos ng Barangay Liuan, Rizal na bumili ng ice lulan ang motorsiklo pero habang binabagtas nito ang Cagayan Kalinga road ay napunta sa kabilang linya ng kalsada.

Dahil dito, sumalpok ang motorsiklo sa kasalubong na elf na minaneho naman ni Anghel Agpaoa ng Barangay Naneng sa lungsod ng Tabuk na sanhi ng pagtamo ng sugat sa katawan ng biktima.

Idineklara naman ng duktor na nagtungo sa lugar na pinangyarihan ng aksidente na dead-on-the -spot ang biktima dahil sa malubhang sugat na tinamo sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Nabatid na walang suot na helmet o anumang protective gear ang biktima at pagewang-gewang umano sa pagmamaneho bago ang aksidente.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi naman agad nakilala ang biktima dahil sa kawalan ng I.D pero nagtaka umano ang pamilya nito nang hindi na bumalik matapos utusan na bumili kung kaya’t nagpasya silang hanapin hanggang sa mabatid na siya’y naaksidente.

Sinabi ni Acob na kasalukuyan umanong sumasailalim sa medication ang biktima pero bigo pa nitong maidetalye kung ano ang sakit na maaaring sanhi ng aksidente.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP-Rizal ang suspek maging ang mga sasakyang sangkot sa aksidente habang kasalukuyan ang kanilang ginagawang imbestigasyon.