TUGUEGARAO CITY- Pinaniniwalaan na tinamaan ng kidlat ang isang lalaki sa bayan ng Baggao, Cagayan na nakita na nakadapa at wala ng buhay sa Barangay Nangalinan kahapon ng hapon.
Sinabi ni Gilberto Respicio, punong barangay ng Nangalinan na nakita ng isang residente na may tao na nakadapa at nakasubsub ang mukha sa putik at tubig pagkatapos ng malakas na ulan at kidlat at ipinagbigay alam sa kanya.
Ayon kay Respicio, agad din siyang tumawag sa mga pulis at sinabihan ang ibang residente na huwag lapitan ang lalaki at hintayin ang mga otoridad.
Sinabi pa ni Respicio na nagtungo sa kanyang bukid ang biktima na kinilalang si Ronaldo Palmores para tignan ang patubig sa kanyang palayan para sana sa pagtatanim ng punla ngayong araw na ito nang abutan siya ng malakas na ulan at kidlat.