Patay ang isang 25-anyos na lalaki matapos pagbabarilin nang malapitan sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal noong Hunyo 1.

Kinilala ang biktima bilang si Edwin Villarreal, isang tricycle driver at ama ng isang tatlong taong gulang na bata.

Base sa kuha ng CCTV, sakay ng motorsiklo ang biktima bago lapitan ng isang lalaking nakasuot ng sumbrero at biglaang pinagbabaril.

Ayon sa pulisya, tatlong basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan si Villarreal at agad isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

-- ADVERTISEMENT --

Base sa imbestigasyon, itinuro ng live-in partner ni Villarreal ang isang kakilala ng biktima bilang suspek, batay umano sa mga banta sa text message at social media posts bago ang insidente.

Naaresto ang nasabing suspek kinabukasan at napag-alamang may dati nang warrant of arrest para sa kasong robbery.

Kasalukuyan siyang nakakulong at nakatakdang sampahan ng kasong murder, bagaman tumanggi itong magbigay ng pahayag.

Ngunit ilang araw matapos ang insidente, lumutang ang isang saksi na nagsabing naroon siya sa pinangyarihan ng krimen at ibang tao ang bumaril kay Villarreal.

Ayon sa kanya, kilala niya ang tunay na salarin at ito ay hindi ang naunang naaresto.

Aniya, hindi siya agad nagsalita dahil sa takot.

Dahil dito, muling isinagawa ang manhunt operation para sa tunay na suspek na umano’y dati ring nakasama sa kulungan ng biktima.

Labis naman ang pagdadalamhati ng mga naulila, lalo na’t bunso si Villarreal sa anim na magkakapatid.