Tuguegarao City- Huli ang isa sa dalawang suspek ng riding in tandem na bumaril-patay sa isang lalaki sa bayan ng Ballesteros, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Larry Mendoza, 35, laborer, at ang suspek at itinuturong gunman ay si Jesus Anciano kapwa residente ng Brgy. Baran.

Sa panayam kay PLT. Waltson Malayao, hepe ng PNP Ballesteros, pauwi ang biktima kasama ang live-in partner nito mula sa kanilang taniman ng pinya.

Aniya, habang pauwi sakay ng kanilang kuliglig ay isang motorsiklo ang sumunod sa kanila kung saan bigla silang hinarangan at pinagbabaril ang biktima.

Sinabi pa ni PLT Malayao na sinubukan pang tumakbo ni Mendoza ngunit sinundan pa rin ito ng suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Itinuro naman si Anciano bilang suspek dahil nakilala siya ng live-in-partner ni Mendoza.

Sa ngayon ay patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng kasamahan ng suspek sa pamamaril.