Inihahanda ng isang lalaki sa Russia ang kanyang isasampang kaso laban sa isang medical clinic na nagsagawa ng vasectomy sa kanya matapos na magkaroon ng isa pang anak.

Noong 2022, matapos na magkaroon ng apat na anak, nagpasiya si Maxim, 45 anyos mula sa lungsod ng Ufa na sumailalim sa vasectomy upang masiguru na hindi na niya mabubuntis ang kanyang asawa.

Binisita niya ang “Promeditsina”, isang local medical clinic na nagsasagawa ng vasectomies, at pumayag na magbabayad ng 30,000 rubles o
$330 para sa operasyon.

Naging matagumpay ang operasyon at nakalabas sa clinic si Maxim matapos ang ilang oras.

Maayos na sana ang lahat, subalit makalipas ang ilang buwan, sinabi ng kanyang asawa na siya ay buntis na naman na ikinagulat ni Maxim.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod nito, noong Nobyembre ng 2023 ay nagkaroon siya ng ikalimang anak.

Nang tawagan niya ang clinic kung saan siya sumailalim sa vasectomy para sa paliwanag, sinabihan siya na sumailalim sa paternity test at spermogram upang kumpirmahin kung kaya pa niyang makabuntis.

Lumabas sa pagsusuri na very vertile pa si Maxim, subalit sa halip na akuin ng clinic ang responsibilidad, tinawag ng clinic ang kaso na “medical miracle” at sinabi pang dapat na masaya siya dahil mayroon pa siyang isang anak.

Tinangka ng clinic na ayusin ang pangyayari at inialok na ibabalik ang pera na nagastos sa operasyon, subalit tinanggihan ito ni Maxim.

Pursigido si Maxim at kanyang pamilya na sampahan ng kaso ang clinic para sa moral damages at para sa mga gastusin sa hinaharap sa pagpapalaki ng kanilang ikalimang anak.