TUGUEGARAO CITY-Natanggal ang kaliwang tenga at sugatan ang isang lalaki matapos tagain ng kanyang bayaw sa bayan ng Enrile, Cagayan, nitong araw ng Biyernes.

Ayon kay Police Master Sergeant Jeoffrey Gumangan, imbestigador ng kaso, nagtungo ang biktima na si Domingo Luyun sa bahay ng kanyang kapatid na si Nelly matapos ang selebrasyon ng kanyang kaarawan upang komprontahin dahil hindi pumunta ang kanyang kapatid sa kanyang kaarawan.

Dahil dito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid.

Nang marinig ng suspek na si Cesar ang pagtatalo ng kanyang asawa at bayaw ay agad niyang sinugod ang bayaw at tinaga ng dalawang beses.

Nagtamo ng sugat sa likod at naalis ang kaliwang tenga ng biktima na kasalukuyan nang ginagamot sa pagamutan dito sa lungsod ng Tuguegarao.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, agad namang sumuko sa kapulisan ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide.