TUGUEGARAO CITY- Pinaghahanap na ng rescue teams ang isang lalaki na missing sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Falcon sa Cagayan.
Sinabi ni Anatacio Macalan,head ng PDRRMO Cagayan na batay sa report sa kanila ng MDRRMO ng Gattaran,pauwi na si Carlos Pedong,46 mula sa kanyang trabaho kahapon ng hapon at tumawid sa ilog na bahagyang tumaas ang tubig kaya pinaniniwalaan na siya ay nalunod nang hindi na siya umuwi sa kanilang bahay.
Subalit sinabi ni Police Major Virgilio Durado, hepe ng PNP Gattaran,iniimbestigahan pa nila ang insidente dahil sa duda sila na nalunod si Pedong dahil sa magkakaibang pahayag ng mga kasama ng biktima nang mangyari ang insidente.
Ayon kasi sa mga kasama ng biktima, hanggang balikat ang tubig sa ilog habang ayon sa mga barangay officials ay hanggang tuhod lang.
Samantala,limang barangay ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyo.
Sinabi ni Chester Trinidad,information officer ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 na ito ang dumating sa kanilang na pinakahuling datos mula sa mga affected na lugar.
Ayon sa kanya, 20 families o 68 individuals ang isinailalim sa pre-emptive evacuation kahapon.
Sinabi niya na 4 families o 11 individuals ang inilikas sa Sta.Teresita,8 families with 36 individuals sa Gonzaga,1 family with 5 individuals,5 families with 10 individuals sa Camalaniugan at 2 families with 6 individuals sa Solana.
Kaugnay nito, sinabi ni Trinidad na nakahanda ang mga ipapamahagi nilang mga food packs kung may hihiling na mga LGUs.
Ayon sa kanya,umaabot sa 26,822 ang kanilang stockpile ng family food packs sa buong Region 2.