Pumanaw ang isang 65-anyos na lalaki matapos bumoto sa midterm elections nitong Lunes ng umaga, sa Oas South Central Elementary School.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Nestor Rensales, residente ng Oas, na nawalan ng malay habang naghihintay matapos bumoto bandang alas-6 ng umaga.

Ayon sa pulisya, sinabi pa umano ni Rensales sa kanyang asawa na siya’y nahihilo bago ito biglaang himatayin.

Ibinunyag ng kanyang asawa na si Rensales ay isang stroke survivor, at maagang nagtungo sa voting center dakong alas-5 ng umaga upang makaboto.

Sa kabila ng kanyang kondisyon at ng matinding init, iginiit umano ng biktima na ituloy ang pagboto.

-- ADVERTISEMENT --

“Sayang ang boto,” ani Rensales, na sinikap pa ring tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang botante.

Agad siyang isinugod sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital sa Ligao City, ngunit idineklara na siyang dead on arrival ng mga doktor.