Nagsisisi ang isang 24 year old na lalaking Chinese matapos na magpa-tattoo ng bungo sa kanyang mukha.

Ito ay dahil sa nahihirapan siyang makahanap ng trabaho.

Ayon sa lalaki, nakakaranas siya ng depression at nalalabanan niya ito sa pamamagitan ng kanyang mga tattoo.

Una siyang nagpagawa ng mga tatoo sa kanyang katawan, subalit nitong nakalipas na anim na taon, nagdesisyon siya na magpalagay ng bungo na tatoo sa kanyang mukha.

Ang disenyo ng kanyang tattoo ay maiitim na bilog sa palibot ng kanyang mga mata at sa kanyang ilong, mga ngipin sa palibot ng kanyang bunganga, at utak sa kanyang walang buhok na ulo.

-- ADVERTISEMENT --

Masaya siya nang natapos ang kanyang tattoo, subalit napagtanto niya na ito ang nagbunsod para hindi siya makapamuhay ng normal.

Ayon sa lalaki, naging mahirap sa kanya at sa kanyang pamilya ang anim na taon, hindi siya matanggap sa trabaho, nakakatanggap ng mga insulto sa ilang tao kung gumagawa siya ng live broadcasts, at nahirapan siya na gumawa ng face ID sa cellphone.

Dahil sa mga naranasan niya na hirap sa pag-update ng kanyang identification papers dahil sa kanyang tattoo sa mukha, nagpasiya siya na panahon na para itama niya ang kanyang pagkakamali.

Noong Oktubre, kinausap niya ang isang tattoo removal studio at sinimulan na tanggalin ang tinta sa kanyang mga kamay.

Masakit ang laser procedure subalit nakayanan niya ito, subalit kamakailan lang ay sinimulan na ang pagpapatangggal ng tattoo sa kanyang mukha na ayon sa kanya ay kakaibang karanasan.

Dahil sa sensitive ang palibot ng mga mata ng lalaki, gumamit ang laser technician ng low-intensity laser.

Gayunpaman, napakasakit pa rin ito, at mataas ang panganib ng pagkakamali na magreresulta ng pinsala sa lalaki.

Pagkatapos ng first session ng lalaki para tanggalin ang tattoo sa kanyang mukha, sinabi niya na matindi ang naranasan niyang sakit na nagbunsod ng pagkakaroon niya ng problema sa puso kaya pahinga muna siya para gumaling.

Kumpiyansa ang lalaki na magkakaroon na siya ng normal na buhay pagkatapos ng apat o limang sessions pa para matanggal ang tattoo sa kanyang mukha.