Patay ang isang 53-anyos na lalaking guro matapos siyang pagbabarilin ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo sa Barangay Carmay East, Rosales, Pangasinan.

Ayon sa pulisya, sakay ng motorsiklo ang biktima at pauwi na mula sa Sta. Maria, Pangasinan.

Sinundan umano ng mga salarin ang guro hanggang sa siya ay pagbabarilin.

Agad naman siyang dinala sa ospital, subalit hindi na siya umabot ng buhay.

Tumakas naman ang mga salarin matapos ang pamamaril.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa pulisya, nagsagawa na sila ng imbestigasyon sa pinagtatrabahuan ng biktima upang malaman kung may ugnayan ang insidente sa kanyang trabaho.

Bukod dito, inimbestigahan na rin ang pamilya ng biktima, subalit tumangging magbigay ang mga ito ng pahayag.

Inaalam na rin ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin.