Patay ang isang 56-anyos na lalaki sa tinamong matinding pinsala sa ulo nang tumilapon sa minamanehong motorsiklo at sumalpok sa gate ng kapilya sa bayan ng Sto Niño, Cagayan.
Kinilala ang nasawi na si Santiago Dela Cruz, butcher at magsasaka sa Barangay Lattac.
Ayon kay PCapt. Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP-Sto Niño, nangyari ang aksidente sa Barangay Lattac noong tanghali ng Sabado, August 31 habang papauwi ang biktima matapos nagdeliver ng mga karne sa Barangay Lubo.
Iniwasan umano ng biktima ang isang aso na tumawid sa highway kaya nawalan na ito ng kontrol sa manibela hanggang sa tumilapon sa kanyang motorsiklo at tumama ang ulo sa gate ng kapilya.
Sa lakas ng impact ng pagsalpok ay bahagyang lumabas ang utak ng biktima.
Bukod sa pagod, ay puyat din ang biktima sa pagkatay ng baboy sa isang burol ng patay sa kanilang lugar.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Gabatin ang mga pet owners na tiyakin na nakatali ang kanilang mga alagang hayop tulad ng aso.
—with reports from Bombo Efren Reyes, Jr.