Naaresto ng mga awtoridad ang isang 47-anyos na magsasaka na si alyas “Rico” sa Buguey, Cagayan nitong Mayo 1, dahil sa kinakaharap niyang 20 bilang ng kasong Qualified Theft.
Nadakip siya sa bisa ng warrant of arrest sa pinagsanib na operasyon ng Buguey Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Marlou U. Del Castillo, katuwang ang 203rd Maneuver Company ng RMFB 2 at 2nd PMFC.
Ang kabuuang halaga ng piyansa para sa mga kaso ay humigit-kumulang P528,000.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Buguey Police Station si alyas Rico para sa kaukulang dokumentasyon bago siya iharap sa korte.
Ayon kay PMAJ Del Castillo, ang matagumpay na operasyon ay patunay sa patuloy na determinasyon ng pulisya na tugisin ang mga indibidwal na may pananagutan sa batas.
Hinikayat din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad.