Desidido umanong magsampa ng kaso ang pamilya ng isang lalaking may diperensiya sa pag-iisip na nabaril at napatay ng isang pulis na rumesponde sa pambabato nito ng mga nakasalubong na sasakyan sa bayan ng Iguig, Cagayan.
Ayon kay PSSGT Josephus Gaspar, imbestigador ng PNP-Iguig, nasa kanilang kustodiya at inihahanda na ang kasong Homicide laban sa pulis na si PCPL Deryl Jake Butacan na nakatalaga sa PNP- Lal-lo na sangkot sa pamamaril kay Jomar Aluag na residente sa Luna, Apayao.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng baba at kanang bahagi ng tadyang si Aluag na naisugod pa sa Cagayan Valley Medical Center ngunit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Sinabi ni Gaspar na unang rumesponde ang PNP-Iguig kaugnay sa sumbong sa pambabato ni Aluag sa mga nakasalubong nitong sasakyan sa bahagi ng Brgy Nattanzan ngunit natamaan ng bato sa ulo ang isang rumespondeng pulis na si PCPL Ernie Boy Andam na agad namang isinugod sa pagamutan ng kanyang kasamahan.
Nagpatuloy naman si Aluag sa paglalakad at pambabato ng mga sasakyan hanggang sa makarating sa Brgy Ajat kung saan nakasalubong niya ang patrol vehicle ng PNP-Lallo na papunta sana sa Tuguegarao City at binato nito ang driver na si PCPL Butacan kayat pinaputukan siya nito.
Sa kanyang pagbaba sa sasakyan ay muli naman binaril ng pulis si Aluag nang pumasok ito sa sasakyan at inapakan ang accelerating pedal nito na nagresulta sa pagbangga nito sa isang business establishement sa lugar.
Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya na may diperensiya sa pag-iisip si Aluag na kalalabas lamang sa CVMC at tinakasan ang kanyang bantay at naglakad palayo hanggang makarating sa bayan ng Iguig kung saan naganap ang insidente.
Dagdag pa ni Gaspar, aabot sa 12 sasakyan ang nagtamo ng gasgas at basag sa windshield kasama ang patrol vehicle ng PNP Lal-lo dahil sa pambabato ng suspek habang isang driver ang nasugatan matapos tamaan ng bato.