Arestado ang isang lalaking nagpanggap na miyembro ng New People’s Army para makapangikil sa isang negosyante, kahapon sa Solano, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si Rumuel Salmos, 39-anyos ng Bonfal Proper, Bayombong.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Capt. Jet Sayno, hepe ng Solano Police Station na nagpakilala umanong kasapi ng NPA ang suspek sa biktimang si Marianne Elise Ramos, 47-anyos at residente ng Barangay Bagahabag sa bayan ng Solano.

Nagbanta umano ang suspek na pasasabugin niya ang mga sasakyan at gasoline station na pag-aari ng biktima kung hindi magbibigay ng P60,000 bilang revolutionary tax at makipagtalik sa kanya sa isang hotel sa Bayombong.

Dahil dito ay nagkasa ang pulisya ng entrapment operation kung saan nahuli ang suspek matapos nitong tanggapin ang pera mula sa biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa extortion money, sinabi ni Sayno na nakumpiska ng pulisya sa pag-iingat ng suspek ang 15 pakete ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Depensa naman ng suspek, nagawa lamang niya ang pangingikil dahil kulang ang pera nito para sa kanyang tatlong negosyo na surplus shop.

Sa ngayon ay kinasuhan na ang suspek ng Robbery with Extortion at RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 na nasa kustodiya ng pulisya.