
Umani ng batikos mula sa netizons, lalo na sa mga Katoliko, ang aksyon ng isang lalaki sa Taal Basilica sa Batangas matapos nitong ipasok ang kanyang motorsiklo sa loob ng simbahan.
Nakunan ng CCTV ang lalaki na ipinarada ang motorsiklo sa harap ng altar at pagkatapos ay umupo sa upuan ng pari, habang ang kasama niyang babae ay umalis.
Ayon sa mga tao sa simbahan, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng lalaki, lalo na’t sagrado kung ituring ang bahay dalanginan.
Samantala, inamin naman ng lalaki na ihahatid lamang niya ang kanyang girlfriend at humingi ito ng paumanhin.
Bunsod nito, hinuli ng Taal Municipal Police Station ang 23-anyos na lalaki at haharap sa kasong “Offending Religious Feelings” sa ilalim ng Article 133 ng Revised Penal Code.
Ayon sa PNP, mukhang nawalan ng ulirat ang lalaki kaya nagawa niya ang hindi kanais-nais na aksyon.
Tiniyak naman nilang hindi maaapektohan ang seguridad ng simbahan ngayong Semana Santa.