Dead on arrival sa pagamutan ang isang 29 anyos na lalaki dahil sa tinamong dalawang tama ng saksak matapos tangkaing mamagitan sa away ng kamag-anak sa Brgy. Palauig, Sta Ana, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Emilio Managit, may-asawa, self employed at residente ng Brgy. Tangatan sa naturang bayan.
Ayon kay PCAPT Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sta Ana, bandang hapon nang dumalaw sa kanyang mga kamag-anak sa Brgy. Palauig ang biktima kung saan nadatnan nitong nag-iinuman ang kanyang mga pinsan.
Dito aniya naungkat at sinabi sa biktima ang tungkol sa away sa pagitan ng kanyang pinsan at sa kamag-anak din nila na kapitbahay at anak ng suspek na si Severo De Leon, 59 anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Gabatin na posibleng tinangka ng biktima na makipag-usap para sana ayusin ang magkabilang panig dahil sa sila’y magkakamag-anak subalit sa pintuan pa lamang ay inabangan na siya ng suspek na may hawak na mahabang itak na may matulis sa dulo at isinaksak sa tagiliran at tiyan ng biktima.
Depensa naman ng suspek, inakala umano nitong susugurin siya ng biktima na hindi naman armado kung kaya inunahan na niya ito.
Una rito ay nagtungo sa himpilan ng pulisya ang suspek upang isangguni ang umanoy panggugulo sa kanyang bahay ng pinsan ng biktima na unang nakaalitan ng kanyang anak sa hindi pa matukoy na dahilan o di kayay dahil sa pikunan lang.
Agad naman itong ipinasa ng pulisya sa barangay upang maipatawag ang magkabilang panig para sa posibleng pag-aayos sa barangay level subalit hindi umano sila nagkasundo.
Sa ngayon ay naisampa na ang kasong murder laban sa suspek na hawak na ng pulisya.
#hackingincident