photo credit: PNP Abulug

TUGUEGARAO CITY-Huli ang isang lalaki sa isinagawang entrapment operation ng kapulisan bayan ng Abulug matapos pagbantaan ang biktima na ilalabas ang hubad nitong larawan kung hindi nito pagbibigyan ang hiling na makipagtalik.

Ayon kay P/ Major Norly Gamal, Chief of Police ng PNP- Abulug, unang dumulog ang 29-anyos na babae na biktima sa Sta Marcela PNP sa probinsya ng Apayao dahil sa ginawang pagbabanta ng suspek na si Reygi Cabanglan ng Ballesteros.

Agad namang nagkaroon ng koordinasyon ang PNP Sta Marcela sa PNP-Abulug dahil sinabi umano ng suspek na sa isang inn sa Barangay Libertad sa bayan ng Abulug sila magkikita ng biktima.

Aniya, nang pumasok ang biktima sa room kung saan naroon ang suspek ay dito na isinagawa ang entrapment operation.

Bukod sa cellphone kung saan nakasave ang mga litrato na ginamit sa pangba-blackmail ay nakumpiskahan din ito ng isang pakete ng hinihinalang shabu na ngayon ay hawak na ng kapulisan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Gamal na nagkakilala ang dalawa nang maging textmate ng biktima ang suspek kung saan una umanong silang nagkita sa probinsya ng Apayao.

Inaalam na rin ng kapulisan kung edited ang hubad na litrato dahil iginiit umano ng biktima na wala siyang ibinigay na anumang picture sa suspek.

Inihayag ni Gamal na mayroong dating kaso ang suspek matapos umano nitong i-blackmail ang isa rin niyang text mate dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Aminado naman umano ang suspek na siya’y gumagamit ng shabu at sa katunayan, isa siya sa mga sumuko sa Oplan Tokhang ng kapulisan sa bayan ng Ballesteros.

Sa ngayon , nahaharap ang suspek ng kasong paglabag sa R.A 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, cybercrime at R.A 9165 o Comprehensive Dangerous drugs Act of 2002.