Kinasuhan na ng murder ang itinuturong suspek sa pagpatay sa kanyang 24-anyos na kaibigan nang dahil lamang sa utang sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si alyas “Lanlan”, 23-anyos, residente ng Purok 2, Sta Maria sa naturang bayan.

Ayon kay PCPL Jerameel Soller, imbestigador ng PNP-Gonzaga, sa tulong ng isang witness na kasama ng suspek ay narekober sa ilog ang naagnas nang bangkay ng biktimang si alyas “Ryan”, magsasaka at residente ng Purok 1, Sta Maria.

Sa salaysay ng witness sa pulisya, sinabi niya na bago ang krimen noong gabi ng July 10, 2024 ay nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek upang singilin ito sa natitira niyang utang na nagkakahalaga ng P3K.

Dahil sa pilit na paniningil at walang maibayad ay nagdilim umano ang paningin ng suspek na dahilan nito para hampasin ng tubo ang ulo ng biktima nang hanggang apat na beses.

-- ADVERTISEMENT --

Bago pa man niya mapatay ay pinauwi ng suspek ang witness upang hindi umano madamay na noon ay kasa-kasama niya sa paglalaro ng online games.

Subalit ilang oras lamang ay tumawag ang suspek sa witness at pinababalik ang kanyang motorsiklo hanggang sa madatnan nito sa loob ng bahay ang duguan at nakahandusay na katawan ng biktima.

Dahil umano sa bantang papatayin ay tinulungan ng witness ang suspek na linisin ang bahay bago nila dinala ang bangkay sa ilog at tinakpan ng malalaking bato na may layong 900 metro mula sa crime scene.

Sinabi ni Soller na nakonsensya ang witness kung kaya nakipagtulungan ito sa pulisya na nagsagawa ng follow up investigation noong July 12 sa napaulat na pagkawala ng biktima na nagpaalam sa ina na bibili lamang ng sigarilyo.

Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen kung saan narekober rin sa bahay nito ang ginamit na tubo na pinangpalo sa biktima at tatlong plastic sachet na may lamang hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Bukod sa kasong pagpatay ay kinasuhan na rin ito ng karagdagang kaso ng paglabag sa RA 9165 habang pinag-aaralan pa ng pulisya kung sasampahan ng kaso ang witness sa naging partisipasyon nito sa krimen.