Nahuli na ng pulisya ang viral na lalaking ‘scammer’ matapos siyang ireklamo ng tatlong nabiktima nito kaugnay sa fake bookings sa magkakasunod na nirentahang van sa Tuguegarao City noong Biyernes, August 26.

Kinilala ang suspek na si Philip Liberato, 29-anyos, residente ng Barangay Batu-Parada, Santa Ana, Cagayan na nahuli sa Brgy, Carig Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLT Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao na batay sa reklamo ng tatlong magkakahiwalay na nabiktima ng suspek na nakilala lamang nila sa lungsod gamit ang ibang pangalan kung saan una itong humingi ng tulong para sa rerentahang van na papunta sa Clark, Pampanga.

Matapos itawag ng mga biktima sa mga kakilalang van driver na galing pa ng Aparri, Gonzaga, at Tuao ay nakipagkasundo ang suspek para sa rent na nagkakahalaga ng hanggang P30,000.

Gayunman, bigla na lamang umanong nawala ang suspek nang hindi nagbabayad gayong gumastos na sa gasolina ang mga driver makarating lamang sa Tuguegarao.

-- ADVERTISEMENT --

Ang isa namang van na galing Gonzaga ay nakarating pa hanggang sa Sta Maria, Isabela matapos utusan ng suspek sa pamamagitan ng phone call na dumiretso na sa Pampanga ngunit nalaman sa mga facebook post na isa pala itong scammer.

Matatandaang kamakailan lang nang mag-viral ang larawan ng suspek na nagpakilala pa bilang isang abugado sa MSWDO sa bayan ng Baggao at nangakong magbibigay sa 4,500 pamilya ng P3,500 halaga ng relief goods at karagdagang isang milyong piso para sa mga biktima ng Bagyong Florita.

Nakipag-ugnayan din ito sa Barangay Bitag Grande na hinihingan niya ng P30,000 bilang counterpart ng barangay sa umanoy ilalabas na brand new Multicab.

Nabiktima rin nito ang Barangay Temblique at nagawang samahan ng kapitan ng barangay sa Tuguegarao City upang mamili ng mga ayuda na ipapamigay sa mga nasalanta ng bagyo subalit bigla itong naglaho.

Nabatid na marami pang lugar sa lalawigan ang nabiktima ng suspek at maging sa karatig lalawigan ng Ilocos at Pangasinan kaugnay sa kaparehong modus ng panloloko at patuloy na kinukumpirma ng pulisya ang iba pang kaso nito na pagnanakaw.

Sa ngayon, sinabi ni Taguiam na naisampa na ang reklamong estafa, unjust vexation, at other form of deceit laban sa suspek.

Katwiran umano ng suspek nang tanungin ng pulisya kung bakit nagawa nitong manloko sa kapwa ay dahil aniya sa hindi siya pinapayagan ng kanyang magulang na umuwi sa kanilang bahay sa Sta Ana.

Kasabay nito ay hinikayat ni Taguiam ang iba pang posibleng nabiktima ng suspek na magtungo sa kanilang tanggapan para magsampa ng reklamo.