TUGUEGARAO CITY-Huli ang isang lalaki matapos maiwan nito ang kanyang mga gamit na naglalaman ng kanyang pagkakakilanlan sa loob ng bahay na kanyang nilooban sa bayan ng Solana, Cagayan.

Sa naging panayam sa biktima na si Mary Ann Manzano , 26-anyos, residente ng Brgy. Gaddu, gabi ng Sabado ng maiwan sila kasama ang kanyang dalawang anak sa kanilang tahanan matapos magpunta sa bukid ang kanyang asawa para magpatubig.

Ayon kay Manzano, nagising siya ng pasado alas-10 ng gabi dahil siya’y nauuhaw at pagkarating sa kusina ay laking gulat na lamang nito ng makita ang suspek na si Jessy Banate, 32-anyos, kapitbahay rin ng biktima na nakatayo sa loob ng kanilang bahay.

Agad hinila ng suspek ang biktima nang kanya itong makita at sinaksak sa kanyang dibdib, sinubukan namang manlaban ang biktima ngunit sinaksak lamang ang kanyang kamay at binti.

Nagawa pang makatakbo ang biktima pero nahila pa rin ng suspek ang kanyang buhok at iniuntog ang ulo nito sa dingding kung kaya’t nawalan siya ng malay.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pag-aakalang patay na ang biktima, nagmadaling umalis ang suspek at naiwan nito ang tatlong cellphone,wallet at bag na naglalaman ng kanyang pagkakakilanlan.

Dahil dito, mabilis pa ring nakilala ang suspek, sa kabila na hindi ito namukhaan ng biktima dahil may takip umano ang kanyang mukha ng manloob sa kanilang bahay.

Nahuli naman ang suspek sa Brgy. General Balao matapos isumbong ng kanyang mga kaanak nang kanilang malaman ang ginawa nito.

Depensa naman ng suspek sa kapulisan, nasa impluwensiya siya ng nakalalasing na inumin ng mangyari ang insidente at hindi umano niya alam ang kanyang ginawa.

Sa ngayon, nasa mabuti ng kalagayan ang biktima habang nasa kustodiya na ng PNP-Solana ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.