Nagpapagaling na sa pagamutan ang isang magsasaka matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa tinutuluyang bahay sa bayan ng Gattaran.
Nakilala ang biktima na si Fransisco Pascual, residente sa Barangay Alba, Baggao at pansamantalang nanunuluyan sa bahay ng kanyang pinsan sa Barangay San Carlos.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ayon kay PMaj. Norlie Gamal ng PNP Gattaran, na binaril ng suspek ang biktima habang ito ay natutulog nitong madaling araw ng September 16.
Sa tatlo o apat na putok, nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala ng 12-gauge shotgun sa kanyang kamay at paa.
Nagawa namang gisingin ng biktima at nagpatulong na maitakbo sa Baggao hospital ang kanyang pinsan na walang kamalay-malay sa pamamaril na mahimbing ang tulog dahil sa kalasingan.
Narekober sa crime scene ang 3 piraso ng bala at deformed slug ng 12 gauge shotgun.
Nabatid na September 11 nang dumating sa lugar ang biktima upang magpatuyo ng mais.
Patuloy na ina alam ng pulisya ang motibo at pagkakakilanlan nag suspek sa naturang pamamaril.